Sunday, May 13, 2012

Nanay




Sa iyong sinapupunan ako’y iyong inalagaan. Sa loob ng siyam na buwan hindi mo ako pinabayaan. Sabi mo nga, hindi kita pinahirapan, hindi tulad ni ate. Ako dalawang araw na lang bago ipanganak, naglalakad lakad ka pa. Salamat.

Sa iyong malalakas na bisig ako’y iyong ipinaghele. Hindi ako iyakin. Kapag ako’y mahimbing na, ibababa mo na ako sa kama para makagawa ka ng ibang gawain sa bahay. Bagama’t ngayon may kahinaan na ang iyong braso, at minsa’y inaakay na kita. Dama ko pa din ang lakas na noo’y palaging bnumubuhat sa akin. Salamat.

Sa iyong mga bibig, una kong narinig ang A,E,I,O, U. Sa iyo ako natutong bumasa. Sa iyo ako natuto ng mga tamang kulay. Sa iyong mga bibig din narinig ko ang mga katagang, “Kaya mo yan” sa tuwing meron akong mga contest na sinasalihan, interview para sa eskwela at sa trabaho. “I’m proud of you”, sa mga munting bagay na na-achieve ko. “May masakit ba sa’yo?” , sa tuwing makikita mo akong matamlay at walang kibo. Maraming bagay ang narinig ko sa iyong bibig. Karamihan dito ay mga pangaral, na humubog sa aking pagkatao at nagdala sa akin sa kung nasaan man ako ngayon. Hindi ko masabing nasa rurok na ako ng tagumpay, malayo pa ang aking lalakbayin at maraming mga pangaral pa ang kailangan kong marinig sa inyo. Sa lahat ng mga ito. Salamat.

Sa iyong mga mata, nalaman ko na may mga mali akong nagawa. Isang tingin mo lang, alam ko na kailangan ko na itigil ang kung ano mang ginagawa ko. Sa iyong mga mata din nakita ko ang kaligayahan sa tuwing may munting regalo akong iniaabot sa inyo. Ang inyong mata ang tumingin sa akin habang ako’y lumalaki. Bagaman lumalabo na sa pagdaan ng panahon, nais kong ako’y inyo pa din makita at masaksihan ang mga munting tagumpay ko sa buhay. Salamat.

Sa pagpapakilala sa akin sa Diyos at pagtuturo ng pagdarasal at pagtawag sa Kanya. Sa iyong pag-aalaga tuwing ako’y may sakit. Sa pakikinig sa mga kwento ko tuwing may maganda at hindi magandang nangyayari sa akin. Sa pagluluto ng paborito kong pagkain. At sa napakarami pang dahilan na hindi ko na mabilang. Salamat.

Alam ko sa mga oras at panahon na ito, ako ay nagtataksil sa’yo. Isang lihim ang hindi ko pa nasasabi sa’yo. Hindi ko masabi ang tunay na kalagayan ng aking kalusugan. Alam kong maiintindihan mo ko. Alam kong yayakapin mo ako ng mahigpit, alam kong hahawakan mo ang mga kamay ko at kung maari ay hindi mo na ito bitiwan. Pero ayokong may pumatak na luha sa mga mata mo. Ayokong  bigyan ka ng iisipin. Ayoko na mag-alala ka. Ang gusto ko lagi kang makitang masaya. Huwag kang mag-alala, sa tulong ni Ate, ng mga Doktor at ng aking mga kaibigan, ako’y nananatiling malakas. Wala kang dapat ipangamba.

Nanay, Happy Mother’s Day. Alam kong hindi sa lahat ng oras ay pinakinggan kita pero hindi mo ako pinabayaan. Hindi mo ako iniwan. At ngayon nga na nasa hustong gulang na ko, naandyan ka pa din.  Sapagkat alam mong kailangan ko ang gabay mo.

Sa iyong walang katapusang pang-unawa at sa walang hanggang pagmamahal….Maraming Salamat.

Happy Mother’s Day Ma, I love you.

3 comments:

  1. so sweet :)

    Happy mother's day to your mom

    ReplyDelete
  2. Salamat, bagaman huli na, sa iyong Nanay din.

    ReplyDelete
  3. Hi Fallen Angel,
    I appreciate your blog. It made me realize a lot of things.
    I am a poz too. I just found out 2 weeks ago.
    Heres my story www.pozithiv.blogspot.com

    Are you still with Sagip? My hub is RITM Alabang. Ive read from one of your entries that we should consider proximity. So after all my lab tests I am considering transferring to SAGIP.

    Madami ba lagi tao dun? Sa ritm kc lagi andaming tao.. matagal ang service..

    Hope to hear back from you.

    Kevin

    ReplyDelete